Ancajas handa sa hamon ni Sultan
MANILA, Philippines — Handa si International Boxing Federation super flyweight champion Jerwin Ancajas sa anumang puwersang ilalabas ng kababayang si Jonas Sultan sa kanilang All-Filipino word title showdown sa Mayo 26 sa Cosmopolitan Hotel sa Las Vegas, Nevada.
Nakarating na sa kampo ni Ancajas ang plano ni Sultan na maging mabilis at magpakawala ng maraming suntok laban sa una.
Naniniwala umano ang kampo ni Sultan na isa ito sa kahinaan ni Ancajas.
Subalit agad itong sinalag ni Ancajas.
“Sabi nila pe-pressurin daw ako at susugurin dahil mahina raw ako sa pressure. Ready naman ako kaya paiba-iba rin sparring partners ko. ‘Yung istilo ni Sultan brawler din at may technique na paiba-iba rin,” wika ni Ancajas.
Base sa estima ni Ancajas, nasa 60 porsiyento na ang kahandaan nito.
Ilang sparring sessions na rin ang pinagdaanan ng Panabo, Davao Del Norte pug.
Ngunit inaasahang itataas pa ni Ancajas ang lebel ng paghahanda nito sa mga susunod na araw.
“Hindi pa ako nagpi-peak nasa eight rounds pa rin ang sparring namin. Pero so far, maganda na ang conditioning ko. Naka-focus kami kung paano mas mapapalakas ‘yung sutok ko,” dagdag ni Ancajas.
May ilang tumututol sa all-Filipino bout nina Ancajas at Sultan.
Subalit tiniyak ni Ancajas na bibigyan nila ng magandang laban ang mga manonood sa oras na magkrus ang kanilang landas.
Ito ang unang world title fight sa pagitan ng parehong Pinoy boxers sapul noong 1925 kung saan nagharap sina Pancho Villa at Clever Sencio para sa world flyweight belt.
Napanatili ni Villa ang titulo via unanimous decision.
- Latest