Asset Managers ikinasa ang semis
MANILA, Philippines — Isang malakas na puwersa ang inilatag ng Cocolife upang hatakin ang 25-22, 25-21, 28-26 straight-set win laban sa Cignal at masiguro ang kanilang puwesto sa semifinals ng Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Binuhat ni Serbian import Marta Drpa ang Asset Managers nang kumana ito ng 15 attacks at apat na blocks habang solido ang suporta ni Sara Klisura na nagpakawala rin ng matatalim na 13 attacks, dalawang aces at isang block.
“What I like about our team is the energy we have. The girls want to fight, they are smiling, everything is super positive and it’s easy to adjust in a system like that,” ani Drpa.
Maliban kina Drpa at Klisura, nakakuha rin ng suporta ang Asset Managers kina Honey Royse Tubino, Mary Jean Balse at Joanne Bunag gayundin kina setter Tina Salak at libero Denden Lazaro.
Malaking kawalan para sa HD Spikers si Sonja Milanovic na nagtamo ng ankle injury noong nakaraang linggo dahilan upang solong pasanin ni American open hitter Jeanne Horton ang opensa.
Makakalaban ng Cocolife ang Petron na nauna nang umusad sa semis.
Pormal namang iginawad kay Cuban import Gyzelle Silva ng Smart Prepaid ang plake at special jersey matapos magrehistro ng 56 points sa five-set loss ng Giga Hitters sa Asset Managers noong Abril 7 sa Batangas City Sports Center.
- Latest