Pinay sa Saudi pinalaklak ng bleach
MANILA, Philippines — Isang Pinay overseas Filipino worker (oFw) ang binabantayan ng mga tauhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa King Fahad Central Hospital, Kingdom of Saudi Arabia makaraang puwersahang pinainom umano ng bleach ng kanyang babaeng amo.
Ang biktima na nasa “serious but stable” ang kondisyon sa nasabing ospital ay kinilalang si Agnes Mancilla na may pinsala sa loob ng katawan dahil sa pinainom na bleach at may paso rin sa likod.
Agad namang naaresto ng lokal na pulisya ang employer ni Mancilla na hiniling ng Philippine Consulate General sa Jeddah na matiyak na masampahan ng kaukulang kaso.
“We would like to assure our kababayan that we are working closely with authorities in Jizan to make sure that justice will be given to Agnes Mancilla,” ayon kay Consul General Edgar Badajos.
Nabatid na isinugod si Mancilla ng mga kapwa Pilipino sa pagamutan noong Abril 2 nang humingi siya ng saklolo makaraan ang pang-aabuso ng amo.
Si Mancilla ay nag-umpisang magtrabaho sa Saudi Arabia noong 2016 ngunit paulit-ulit umanong nakakaranas ng pagmamalupit at pisikal na pag-abuso ng kanyang amo na hindi pa nagpapasuweldo.
Related video:
- Latest