4 na pulis-Maynila, mandarambong!
NAGING emosyonal si Philippine National Police chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa sa harap ng mga pulis sa huling flag raising kahapon ng umaga sa Camp Crame. Naging maaksyon kasi ang mga pulis sa buong kapuluan simula nang ilunsad ang “Oplan Tokhang” na pinamunuan ni chief Bato bilang pagtalima sa programa ni Pres. Rodrigo Duterte kontra droga. Libu-libo ang namatay at naarestong pushers/users o mga sangkot sa pagpapakalat ng droga na mainit na akusasyon kay Duterte. Subalit kung tatanungin naman ang karamihan sa ating mga kababayan, mas kampante na sila ngayon dahil nabawasan ang mga droga sa lansangan na sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan.
Nabawasan din ang mga kriminal sa kalye matapos na magkandamatay sa pakikipagsagupa sa mga pulis na tumutugis sa kanila. Naiangat na rin ni Bato ang pamumuhay ng mga pulis matapos taasan ng ga-langit na suweldo kung kaya nabawasan ang kotong. Malinaw na malaki ang nagawa ni Bato sa imahe ng PNP kaya ang kanyang paglisan sa bakuran ng Camp Crame ang nagpaluha sa kanya, hehehe! Subalit sa kabila ng pagpupursige ni Bato na mapabuti at maiangat ang dignidad ng mga pulis may iilan pa ring matitigas ang ulo na sumira na imahe ng PNP.
Katulad na lamang noong nagdaang Biyernes (Abril 13) na kung saan apat na pulis-Maynila ang inaresto ng magkasanib na puwersa ng PNP Counter-Intelligence Task Force (CITF) at National Bureau of Investigation (NBI) matapos ihulidap ang isang Egyptian. Ang masaklap nito nadamay sa pagka-relieve at kahihiyan ang hepe ng Manila Police District-Malate Police Station 9 na si Supt. Eufronio Obong. Ayon sa report lumalabas na natiklo ang apat na pulis na sina SPO3 Ranni Litonjoa Dionisio, PO3 Richard Osorio Bernal, PO1 Arjay Lastrici Lasap at PO1 Exequiel Jeric Fernandez sa loob ng 7 Eleven convenience store sa Caltex gasoline station sa Quirino Avenue at Mabini St., Malate, Manila matapos na abutin ang Mark Money na P50,000 sa isinagawang intrapment operation ng CITF at NBI.
Ito ang nilalaman ng e-mail sa akin: “FACTS OF THE CASE: The entrapment operation stemmed from the complaint of an Egyptian National who was allegedly arrested on April 9, 2018 for alleged violation of R.A. 9165 (Illegal Drugs) by more or less ten personnel of this station. Wherein he was required to pay the amount of Php 200,000 pesos in exchange of his liberty and no case will be filed against him. The demand was later reduced to Php 50,000 pesos of which a check was issued with the agreement that it will be exchanged with the hot cash today, hence their arrest. DISPOSITION: Arrested MPD PS-9 personnel are now being held at NBI main office for proper disposition and filing of appropriate charges. As of this report all arrested personnel was immediately relieved from their present position and reassigned with the Admin Holding Section of this Station”.
O hayan malinaw na hindi kuwentong barbero ang nakakahiyang pandarambong ng ilang pulis na dapat nang matuldukan ni incoming PNP chief Dir. Oscar Albayalde. Kasi nga sayang naman ang pagpupursige ni Chief Bato kung magpapatuloy pa rin ang mga kabuktutan ng ilang pulis.
- Latest