Jersy Savings, pumatok sa Cultural Arts Foundation race
MANILA, Philippines — Mahusay na naihatid ni Ryan M. Garcia ang kabayong Jersy Savings sa panalo sa Cultural Arts Foundation race ni Congressman Lito Atienza kahapon sa karerahan ng Malvar-Tanauan, Batangas.
Sa siyam na kalahok ay inilundag kaagad ng maaga ni Garcia ang lahok ni Johnny Tionloc na Jersy Savings para mamigura sa mga kalaban.
Habang nagpupumilit ang iba na makalapit sa limang taong babaeng kastanya na mula Australia ay namimigura rin si Garcia sa ibabaw nito para matipid pa ang ilang hininga ng sakay na kabayo para makatagal.
Sa pagpasok sa huling kurbada ay animo’y dumadagundong na ang pagpaparemate ng iba pang kalaban kabilang ang paboritong si Avenue Shopper, Show The Whip at isa pang nadehadong Thy Will.
Subalit nanatili ang tatag ni Garcia sa paghawak ng renda at sa makikisig na kayog ay nagawa niyang mapatungtong ng una sa meta ang Jersy Savings.
Ang nagpaparemate sa may kalabasan ng pista na Thy Will na entry ni Lardy Naval at kinukundisyon ni Ruben Tupas at ibinigay ang renda kay Gilbert M. Mejico ay pumangalawa naman, samantalang ang tersero ang Show The Whip na sinakyan ni Abraham G. Avila.
Napanalunan ng koneksyon ng Jersy Savings ang unang premyong P180,000 at malaking parte pa ng P90,000 adisyunal na premyo. Pumangalawa ang Thy Will at tersero ang Show The Whip.
Samantala, nakapagpakita pa rin ng husay at bilis ang Cerveza Rosas nang manaig sa Group-3/4 merged.
Sa una pa lamang ay hiniritan na ng tulin ng banderistang si Guanta Na Mera ang kabayo ni Benhur Abalos na Cerveza Rosas na kilalang sprinter.
Halos nag-iisang tumatakbo ang dalawa sa kabuuan ng karera samantalang nag-aabang naman ng pagkakataon ang iba pang deremateng kabayo para maka-tsamba sa outstanding pick na Cerveza Rosas.
Nang kinapos na ang Guanta Na Mera ay siya namang birit ng Manalig Ka na sinakyan ni S.D. Carmona at Lucky Nine na pinatungan ni Kelvin B. Abobo.
Pero hindi pa rin sila umubra sa tambalang Jonathan B. Hernandez at Cerveza Rosas na nag-umento pa ng may apat na horselenght patungo sa meta. JMacaraig
- Latest