Taxi driver na may kasong murder, utas sa resbak
MANILA, Philippines — Hindi sukat akalain ng isang taxi driver na ligtas na siya sa kanyang kasong pagpatay nang iatras ito ng pamilya ng biktima matapos na siya ay barilin sa ulo habang nagpapahangin sa labas ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Port Area, Maynila.
Ang biktima na hindi na umabot ng buhay sa ospital ay kinilalang si Romeo Esguerra, 53, residente ng Block 115 B, Baseco, Port Area, Maynila.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-11:15 ng gabi ay nakaupo sa harapan ng kanilang bahay ang biktima at nagpapahangin nang ito ay lapitan ng hindi pa kilalang suspek at walang kaabog-abog na binaril sa ulo.
Lumabas agad ng bahay ang misis ng biktima na si Nimfa at dito ay nakita ang mister na duguang nakalugmok kaya isinugod sa ospital, subalit hindi na umabot ng buhay.
Isa sa anggulong sinisilip ng pulisya kung may kaugnayan sa kasong murder ng biktima na nakalaya lang matapos na iurong ang demanda ng kaanak na napatay nito.
- Latest