Duterte nabuwisit sa mga absuwelto
MALAYANG umamin sa narco-trading si Kerwin Espinosa. Si President Duterte mismo ang nagbunyag kina Peter Lim at Peter Co na kabilang sa walong pinaka-malalaking shabu lords. Nasa dossiers sila ng Philippine Drug Enforcement Agency na kumokontrol sa bilyun-bilyong-pisong narco-trade sa Luzon at Visayas. Kaya nabahala ang publiko nang i-absuwelto sila ng Department of Justice.
Nabili na ba ang hustisya, tanong ng marami. Apat na libo nang street pushers ang napatay sa madugong war on drugs ni Duterte, pero sa isang magic lang ay tatlong drug lords ang napawalang-sala. Sablay ba ang pinagmamalaking drug list ni Duterte, hinala pa ng iba. E bakit nakakulong pa si Sen. Leila de Lima na isinangkot lang nina Espinosa at Co, singhal ng oposisyon. Di ba’t nakumpiska ni PNP Chief Insp. Jovie Espenido ang P88 milyong cash, shabu, drug paraphernalia, at black book ng mga protektor sa pulis-militar nang i-raid ang mansiyon ni Espinosa sa Albuera, Leyte? At di ba’t inanunsiyo ni Duterte na maski kapwa niya ninong sa kasal si Lim, siya mismo ang kakatay dito?
Sinisi ni Duterte si Justice Sec. Vitaliano Aguirre. Oo nga’t maaari pang baliktarin ni Aguirre ang pag-absuwelto. Pero inaprubahan na ito ni Prosecutor General Jorge Catalan, na tao niya. Kaya nagbanta si Duterte na si Aguirre ang ipapalit sa kulungan kung makawala ang tatlo.
Nagtatampo si Aguirre. Nauna na niyang inabsuwelto sina Supt. Marvin Marcos at Nicanor Faeldon, na ikinagalak ng amo. Murder sana pero ibinaba sa bailable homicide ang pagpatay ni Marcos kay Mayor Rolando Espinosa, ama ni Kerwin, sa Leyte provincial jail. Pinawalangsala si Faeldon sa smuggling ng 604 kilos ng shabu, halagang P6.5 bilyon, sa Manila pier. Asiwa ang mga senador sa dalawang absuwelto, dahil sila ang nag-imbestiga ng umano’y sala ng dalawa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest