Pinoys sa Syria manatili sa mga bahay - DFA
Sa missile strikes ng US, Britain, France
MANILA, Philippines — Pinayuhan kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mahigit 1,000 Filipino na nasa Syria na manatili sa kanilang mga tahanan matapos ang ginawang pambobomba ng Amerika, Britain at France sa mga military target sa Damascus.
Ayon kay DFA Assistant Secretary Emil Cato, nagpalabas na ng advisory ang embahada ng Pilipinas sa Damascus kung saan pinayuhan ang mga Filipino sa Syria na huwag na munang lumabas ng bahay.
Sinabi pa ng embahada na dapat maghintay ng advisory ang mga Pinoy sa nasabing bansa.
Ginawa ang pambobomba sa Syria bilang tugon sa diumano’y paggamit ng gobyerno ng nasabing bansa ng chemical weapons.
Inihayag din ni Cato na patuloy na mino-monitor ng DFA ang sitwasyon sa Syria matapos ang pag-atake.
“The Department of Foreign Affairs is monitoring the situation in Syria in the wake of the missile strikes against various targets in Damascus and other areas. The Embassy has issued an advisory requesting our kababayans to stay in their homes until further advice,”pahayag ni Cato.
Sinabi rin ni Cato na walang naiulat na namatay na Filipino sa nangyaring pag-atake sa mga pasilidad ng militar sa Damascus.
Wala pa ring natatanggap na request ang embahada mula sa mga Filipino na humihingi ng tulong o nagpapasaklolo.
Tinatayang nasa 500 ang mga Pinoy sa Damascus at 500 naman sa ibang bahagi ng Syria.
- Latest