Falcons hahabol sa Final 4
MANILA, Philippines — Ilalaban ang kanilang tsansa para makapasok ng Final Four round, tiyak na magdidikdikan ngayong umaga ang Adamson University at University of Santo Tomas sa unang laro sa men’s division ng UAAP Season 80 volleyball tournament sa Ateneo Blue Eagle Gym sa Katipunan, Quezon City.
Magkasunod ngayon ang dalawang koponan sa team standings sa likod ng nauna ng tatlong semifinalists na National University, season host Far Eastern University at defending champion Ateneo de Manila University na may magkakahalintulad na barahang 11-2. Lamang ang Falcons na may 6-7 panalo-talo kasunod ang Tigers na may 5-8 na kartada katabla ang La Salle.
Kung mananalo sa kanilang laban ngayong alas-8:00 ng umaga ay pormal na uusad ang Falcons sa susunod na round ngunit kung sila’y mabibigo ma-ngangahulugan ito ng kumplikasyon para sa huling slot ng Final Four na kailangang resolbahin ng knock-out game.
Magtatangka ang Tigers na maulit ang 3-1 panalo kontra sa Falcons noong first round upang patuloy na buhayin ang tsansang umusad sa semis.
Magtatapat naman sa isang no bearing match ang kapwa eliminated nang University of the East (0-13) at University of the Philippines (3-10) sa ganap na alas-10:00 ng umaga.
Gaya ng huling laban sa men’s division, makapuwesto din ng maganda ang habol ng apat na koponang sasabak ngayong hapon sa dalawang no bearing matches sa women’s division, ang salpukang UE at UP sa alas-2:00 ng hapon kasunod ang sagupaang Adamson at UST sa ika-4:00 ng hapon.
Sisikapin ng Lady Warriors na madagdagan ang naitalang dalawang tagumpay sa pagsagupa nila sa Lady Maroons na gustong isalba ang pride sa tangkang isara ang kampanya sa pamamagitan ng panalo.
Nasa 3-way tie kasama ng UP sa 5-8 panalo-talo, mas mataas na pagtatapos din ang gustong itala ng UST at Adamson sa huling laban. (FML)
- Latest