Zark’s-Lyceum diretso sa semis
MANILA, Philippines — Abante na sa semi-finals ang Zark’s Burgers-Lyceum matapos burahin ang twice-to-beat na bentahe ng Centro Escolar University gamit ang 82-77 tagumpay sa Game Two ng kanilang 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Developmental League Aspirants’ Cup quarterfinals series kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Naghahabol pa sa hu-ling pitong minuto, 61-72, nagpakawala ang ikaanim na ranggong Jawbreakers ng matinding 21-5 run upang makumpleto ang pagsilat sa terserang Scorpions na kanailangan nilang gapiin nang dala-wang beses sa quarterfinals.
Nanggaling ang Zark’s sa 104-95 panalo noong Game One sa likod ng pinagsamang puwersa nina CJ Perez at Mike Nzesseu.
Ngunit sa pagkakataong ito, ang beteranong si MJ Ayaay ang sumaklolo para sa Zark’s matapos hawakan ang manibela sa atake ng Jawbreakers sa huling kanto matapos ma-foul out ang lider na si CJ Perez.
Nagbuhos ng 15 puntos, apat na rebounds, limang steals at apat na supalpal si Ayaay habang may 17 at 10 puntos din, ayon sa pagkakasunod ang kambal na sina Jayvee at Jaycee Marcelino para sa never-say-die squad na Zark’s-Lyceum.
Nagbaba naman ng double double na 12 puntos at 16 rebounds si Nzesseu sahog pa ang apat na supalpal habang nagkasya lamang si Perez sa walong puntos nang matanggal sa laro sa huling apat na minuto ng laro.
Samantala, yuyukod naman palabas ng komperensya ang CEU matapos ang masaklap na pag-lustay sa twice-to-beat na bentahe na magtutulak sana sa kanila papasok ng semis kung nanalo maski isang beses man lamang.
Finalist ng nakaraang Foundation Cup, ito ang kauna-unahang pagkakataon na hindi makakapasok sa semis ang ma-lakas na Scorpions simula noong 2014.
Matapos ang 32 puntos at 25 rebounds noong Game One, kumayod muli ng 22 puntos at 16 rebounds si Rod Ebondo ngunit sa kasamaang palad ay kapos pa rin para maibalik sa Finals ang koponan.
Bunsod ng malaking panalo, kakaharapin ng Zark’s-Lyceum ang Marinerong Pilipino sa best-of-three semis na magsisimula sa Martes.
Sa kabilang bracket ay magpapangbuno naman ang Akari-Adamson at Che’Lu Bar and Grill-San Sebastian na umabante agad sa semis.
- Latest