Isa na lang ang kulang
MIAMI – Nagwakas na ang season ng Atlanta, Phoenix, Dallas at Charlotte noong Martes at alam ng siyam pang koponan na huling laro na nila nitong Miyerkules habang nauna nang nakakuha ang 15 tropa ng playoff berths.
Ang laro ng Minnesota Timberwolves at Denver Nuggets ay maihahalintulad sa isang Game 7 na isang transition mula sa regular season hanggang sa postseason.
Ang mananalo ay didiretso sa playoffs at ang matatalo ay magbabakasyon sa offseason.
Ito ang unang pagkakataon sapul noong 1997 — at ikatlo matapos gamitin ng NBA ang postseason format noong 1983 — na maglalaban ang dalawang koponan sa final day ng season sa nasabing sitwasyon.
Magkasosyo ang Wolves at Nuggets sa eighth spot sa Western Conference sa pareho nilang 46-35 record.
“It’s bigger than all of us,” sabi ni Minnesota star Karl-Anthony Towns.
Tangka ng Minnesota na makapasok sa playoffs sa unang pagkakataon matapos noong 2004 — ang kasalukuyang pinakamahabang pagkauhaw sa NBA playoffs.
Hangad naman ng Denver — naipanalo ang huli nilang anim na laro — ang una nilang postseason stint matapos noong 2013.
Isang tiket na lamang ang natitira sa 16-team tournament.
Magkakaroon ng walong first-round matchups at ang bawat isa sa mga pairings ay malalaman sa Miyerkules kasama dito ang 11 sa 16 seeds.
Pag-aagawan ng Portland Trail Blazers at Utah Jazz ang No. 3 seed sa West habang tiyak nang mapupunta ang No. 2 overall seed sa Toronto Raptors sa kanilang second-best record.
Sa penultimate regular season playdate results, tinalo ng Charlotte ang Indiana, 119-93; pinadapa ng Philadelphia ang Atlanta, 121-113; binigo ng Washington ang Boston, 113-101; dinaig ng Phoenix ang Dallas, 124-97; ini-lampaso ng Utah ang Golden State, 119-79; at pinayukod ng Houston Rockets ang Los Angeles Lakers, 105-99.
- Latest