Preso sa Caloocan jail tigok, 3 pa na-ospital sa sobrang init
MANILA, Philippines — Dahil sa sobrang init bunsod ng pagsisiksikan sa mga selda, isang bilanggo ng Caloocan City Police-Detention Center ang nasawi habang tatlo pa ang isinugod sa pagamutan dahil sa paninikip ng dibdib kahapon ng umaga.
Nalagutan ng hininga sa loob ng Caloocan City Medical Center ang inmate na si Nelson Sildora, 32, ng Miramonte Heights, Brgy. 180 ng naturang lungsod. Nakulong si Sildora nitong Abril 8 dahil sa kasong illegal gambling.
Sa ulat, dakong alas-7:00 kahapon ng umaga nang magreklamo ng paninikip ng dibdib at hindi makahinga si Sildora. Tuluyan siyang nawalan ng malay kaya napilitan siyang isugod sa pagamutan ngunit nalagutan din ng buhay.
Nauna rito, Martes ng gabi nang magreklamo rin ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga ang tatlo pang inmates na isinugod din sa pagamutan. Inihiwalay na sila sa ibang mga preso upang maiwasan na makahawa sa kanilang sakit at upang hindi rin sila mahirapan.
Itinuturo ng mga kaanak ng mga biktima ang sobrang siksikan na bilangguan na dahilan ng pagkakasakit ng mga preso. Nasa 70 lamang umano ang kapasidad ng Detention Center ngunit umaabot na sa 170 bilanggo ang nakaditine rito na karamihan ay nahaharap sa kaso sa iligal na droga bunsod ng pinaigting na kampanya ng pulisya.
Karaniwang sakit na nakukuha ng mga bilanggo ay sakit sa baga, high blood, at pigsa.
- Latest