Pangalawang Anino (414)
TUWANG-TUWA nga ang mga tao sa bus.
Ang makina ay biglang umandar na.
Takang-taka na naman ang driver at konduktor.
Tanong ng konduktor sa bus driver. “Ano ang ginalaw mo at biglang umandar?”
“Aba, wala. Tinitingnan ko na nga lang kasi kahit ano-ano na ang kinalikot ko hindi ko naman napaandar.”
“Pero ... wala na rin naman akong ginalaw. Bakit umandar?”
“Huwag na kayong magtaka basta umandar, iyan ang importante! Makakaalis na tayo!”
Nakangiting tumayo si Nanette matapos magdasal.
Maluha-luha dahil nakatulong siya, hindi siya binigo ng Diyos ng Kabutihan.
“Daniel, makakaalis na ang bus! Tinulungan ako ng Diyos! Pinakinggan pa rin ang dasal ko. Kahit ... kahit may nangyayaring akala ko ay hindi niya ikatutuwa.”
Ang prinsepe naman ng mga demonyo ay nabigla pa rin.
Hindi niya inaasahan na sa sandaling dasal ay natalo ni Nanette ang kapangyarihan niya sa pagkontrol ng makina ng bus.
Kaya hindi ito umaandar ay dahil nauutusan ng kanyang utak ang makina na huwag magkaroon ng reaksiyon sa ano mang paggalaw ng konduktor at bus driver dito.
Pero ang control niya ay natalo ng dasal ni Nanette.
Napaandar ng dasal ang makinang hindi na nga ginagalaw ng konduktor at bus driver.
Klarong milagro.
Walang labis at walang kulang.
Hindi tuloy malaman halos ni “Daniel” kung paano mag-react.
Maiinsulto? Magagalit? Hahanga?
“Daniel, tena. Sabay na tayong pumunta sa Manila, sumakay na tayo sa bus.”
Parang mananaig pa sa prinsepe ng mga demonyo ang pride. Ayaw sana niyang sumakay sa bus.
Kaya lang hindi na niya matanggihan si Nanette.
Nadagdagan pa ang paghanga niya sa babaing banal.
HINDI pa rin malaman ni Yawan kung paano mahanap si “Arturo”. Ngayong tiyak na niyang hindi pala siya makakalapit sa mga tao na hindi sila matatakot o magagalit sa kanya. - ITUTULOY
- Latest