Jailbreak: 16 preso pumuga
MANILA, Philippines — Nakapuga ang labing-anim na preso na pawang mga sangkot sa droga sa kanilang detention cell sa himpilan ng pulisya sa Brgy. Tetuan, Zamboanga City nitong Martes ng madaling araw.
Ayon kay Sr. Inspector Shiela May Chang, tagapagsalita ng Zamboanga City Police, dakong alas-3:00 ng umaga nang pumuga ang 16 inmates sa detention cell ng Tetuan Police Station sa nasabing lugar.
Taliwas naman sa unang napaulat, sinabi ni Chang na 16 lamang ang nakatakas na preso at hindi 17 na sinamantala na makalingat ang mga bantay sa kanilang detention cell.
Sa imbestigasyon, nagawang makatakas ng nasabing mga preso sa pamamagitan ng pagsira sa padlock ng kanilang selda at pintuan gamit ang hacksaw belt.
Nabatid na ang mga pumugang detainees ay pawang nasakote sa buy-bust operations ng anti-drug operations sa magkakahiwalay na insidente sa lungsod.
Agad namang ipinag-utos ni Zamboanga City Mayor Maria Isabelle “Beng” Climaco-Salazar ang manhunt operations sa nasabing mga pugante kung saan nagbigay ito ng 24 oras na ultimatum sa mga otoridad upang masakote ang mga pugante.
Sinabi rin ni Climaco-Salazar na pananagutin niya ang mga mapapatunayang nagpabaya sa tungkulin.
- Latest