Mag-ina natusta sa sunog
MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang isang 74-anyos na babae at anak niyang lalaki na may kapansanan sa pag-iisip nang sumiklab ang sunog at lamunin ng apoy ang kanilang bahay sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Inisyal na nakilala ang mga nasawi na sina Herminda Carbonel at anak niyang si Banjo Carbonel, 51, kapwa naninirahan sa Barrio San Isidro, Brgy. 188 Tala, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-9:40 ng gabi nang unang sumiklab ang apoy sa bahay ng mga biktima sa may Area F, Bo. San Isidro, sa naturang barangay. Agad na umakyat sa ikatlong alarma ang sunog.
Alas-11:27 na ng gabi nang magdeklara ang BFP ng “fire-out” sa naturang sunog kung saan umabot sa P500,000 ang tinatayang halaga ng ari-arian na napinsala.
Nang magsagawa ng “mopping operation”, nadiskubre ang bangkay ng mag-inang Carbonel na kapwa na-trap sa loob ng kanilang natupok na bahay.
Ayon sa kapatid ni Banjo na si Pepito, nagkaroon umano ng problema sa pag-iisip ang una makaraang magtrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait. Bago ang sunog, nagwawala umano ang kapatid kaya umalis muna siya ng kanilang bahay para humingi ng tulong sa kanilang barangay ngunit pagbalik niya ay nasusunog na ang kanilang bahay.
- Latest