Maliligo sa Manila Bay aarestuhin – Erap
MANILA, Philippines — Matapos na ideklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na summer na, nagbabala kahapon si Manila Mayor Joseph Estrada sa publiko na huwag maligo sa Manila Bay.
Ayon kay Estrada, mahigpit na ipinagbabawal ang pagligo sa Manila Bay dahil na rin sa mga sakit na posibleng makuha dito. Aniya, isang ordinansa ang pagbabawal sa pagligo sa Manila Bay kung kaya’t may karampatang parusa ang mga lalabag.
Kaugnay nito, bantay-sarado na ng mga pulis ang kahabaan ng Manila Bay sa Roxas Boulevard sa Maynila, matapos ang insidente ng pagkalunod ng isang 37-anyos na lalaki noong Linggo.
Mahigit 10 na rin ang nakaposteng mga pulis habang ang iba ay nagpapatrolya sakay ng kanilang motorsiklo. Katuwang ng mga pulis sa pagbabantay at pagpapanatili ng kalinisan sa lugar ang mga tauhan ng Department of Public Services ng Manila City Hall.
Maging ang lahat ng illegal vendors ay pinaalis na sa kahabaan ng Roxas Boulevard, pati na ang mga natutulog sa bangketa at mga behikulo na ilegal na nakaparada.
- Latest