Bong Go tatakbong senador kung gagawing ninong sa kasal ni Speaker Alvarez
MANILA, Philippines - Iginiit ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go ngayong Biyernes na wala siyang balak tumakbo bilang senador sa darating na 2019 midterm polls.
Pabirong sinabi ni Go na magbabago lamang ang isip niya kapag kinuha siyang ninong sa kasal ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
"Inuulit ko po, hindi po ako interesado tumakbo sa Senado sa 2019, magsisilbi po ako kay Mayor Duterte hanggang kamatayan, kung hindi man ako mauna,” pahayag ni Go.
"Pero kung tutuparin ni Speaker Alvarez ang pangako niyang kunin akong ninong sa kasal niya, baka mag bago po isip ko” dagdag niya.
Nilinaw ito ng special assistant matapos sabihin ni Alvarez na tinitingnan niya na isama sa senatorial lineup ng Demokratiko-Lakas ng Bayan si Go.
Aniya kailangan nila magpatakbo sa pagkasenador ng mula sa Mindanao.
Kasama sa pinaplanong patakbuhin ni Alvarez ay sina Presidential Spokesperson Harry Roque, Presidential Communications Operations Office (PCOO) assistant secretary Margaux Uson at Presidential Political Adviser Francis Tolentino.
Nabanggit din ang mga pangalan nina Davao City Rep. Karlo Nograles, Negros Occidental Rep. Albee Benitez at Bataan Rep. Geraldine Roman.
- Latest