EDITORYAL - Pagbayarin ang nagpabaya kay Joanna
MARAMI nang pang-aabuso at pagmamalupit ang ipinalasap sa mga Pinay na manggagawa sa ibang bansa. Pero ang karumal-dumal ay ang ginawa kay Joanna Daniella Demafelis, isang Pinay domestic helper sa Kuwait. Ang nangyari kay Joanna ang dahilan kung bakit ipinag-utos ni President Duterte ang total ban sa pagpapadala ng Pinoy workers sa Kuwait.
Pagkaraang bugbugin at patayin ng among Lebanese at Syrian si Joanna, inilagay ang bangkay nito sa freezer. Tumakas ang mga amo pagkaraan. Inabandona ang apartment. Natuklasan lamang ang bangkay ni Joanna nang magtungo sa apartment ang Kuwaiti police para mag-serve ng warrant sa mga amo na nahaharap sa ibang kaso. Nakita ang bangkay sa freezer na umano’y isang taon nang naroon. Nang siyasatin ang bangkay, nakita ang mga saksak sa katawan, mga pasa at may baling buto sa tadyang. Hinihinalang tinortyur si Joanna ng among lalaki at babae.
Ayon sa salaysay ng kapatid ni Joanna na si Jessica, legal ang pagkakapunta nito sa Kuwait noong 2014. Tuwing ikatlong buwan lang daw sila nagkakausap ni Joanna sa loob ng dalawang taon nitong pagtatrabaho sa Kuwait dahil ito pinapayagan ng amo na magkaroon ng sariling cell phone. Hindi naman daw nito sinasabi sa kanya na minamaltrato ng amo. Tahimik daw kasi si Joanna. Nagtrabaho umano ito sa Kuwait para matulungan ang mga magulang sa Iloilo at mapag-aral ang mga kapatid.
Ayon kay Jessica, nawalan na sila ng komunikasyon kay Joanna noong Pebrero 2017. Wala na silang balita ukol dito. Hindi na tumawag mula noon. Hanggang sa maireport sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nawawala si Joanna. Dahil doon, nag-alala na sina Jessica at tumawag sa OWWA at POLO office sa Kuwait hinggil sa kapatid. Pero hindi sila pinansin ng mga tauhan ng POLO-OWWA at sinabi umano sa kanila na maghintay sapagkat marami pa silang kaso na ipina-follow-up. Hanggang sa hindi na umano nila makontak ang taong nakausap sa POLO-OWWA.
Hanggang ngayon, hindi pa nakikilala ang tao sa POLO-OWWA na nagbalewala sa kalagayan ni Joanna. Umaaksiyon na kaya si Labor Sec. Silvestre Bello III ukol dito? Kailangang maimbestigahan kung sino ang taong iyon at nang maparusahan. Hindi sila karapat-dapat sa posisyon.
- Latest