Mekaniko hindi na binayaran, dinedo pa
MANILA, Philippines — Hindi na binayaran pinagbabaril pa hanggang sa mapatay ang isang jeepney driver/mechanic ng isang reservist ng Armed Forces of the Philippines (AFP) makaraang magalit ang huli sa ginawang paniningil ng una, kamakalawa sa Makati City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Ernesto Namo, alyas Erning, ng Brgy. Niogan, Cabuyao, Laguna, nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Nakakulong naman ngayon sa Makati City Police ang suspect na si Allan Albano, 48, nakatira sa Block 6, Lot 14, Tawid Sapa II, Mirandaville, Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City, isang reservist sa AFP.
Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD) naganap ang insidente alas-2:28 ng madaling araw sa panulukan ng Urban at Washington Sts., Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.
Nabatid na nagpagawa umano ang suspect ng sasakyan sa biktima at sinisingil ito ni Namo sa serbisyo.
Gayunman, imbes na magbayad ay nagalit pa si Albano kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng baril ang suspect at ilang ulit na pinutukan ang biktima, na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Sa isang follow-up operation ng mga kagawad ng Makati City Police, nadakip nila ang suspect alas-7:30 ng gabi sa panulukan naman ng Dela Rosa at Washington Sts., ng nabanggit na barangay.
Ayon sa pulisya inamin aniya ng suspect sa mga pulis na siya ang bumaril sa biktimang si Namo.
Inamin din nito, na itinago niya ang baril na ginamit sa kanyang kapatid sa Cabuyao, Laguna na narekober na rin ng mga awtoridad.
- Latest