P1.2-B party drugs, nasamsam ng Customs
MANILA, Philippines - Nakumpiska ng Bureau of Customs (BoC) ang ibat-ibang uri ng party drugs at iba pang kontrabandong tableta na may street value na aabot sa P1.2 bilyon na ipinasok bilang parcels sa Philippine Postal Corporation (PHLPost).
Ayon kay BoC Commissioner Isidro Lapeña ang drug syndicate buhat Pakistan ang pinaniniwalaang sangkot sa tangkang pagpupuslit sa may 2 milyong piraso ng illegal drugs na iniulat na dumating sa bansa sa pagitan ng Enero 4 hanggang Enero 10, 2018 sa Central Mail Exchange Center (CMEC) warehouse ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang parcel ay na-intercept sa pamamagitan ng joint efforts ng BOC postal examiners at Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF). Ang mga kontrabando ay itinurn over na sa PDEA kahapon.
Kabilang sa mga nasamsam ay Valium, Pinnix (Alprozalam), Madalin, Stilnox (Zolpidem). Mogadon at ilang kilo pa ng unlabeled tablets.
Ayon pa kay Lapeña, na dating naging chief ng PDEA, na sa kanyang pagkakaalam ito ang unang pagkakataon na naipasok ang malaking volume ng illegal drugs sa bansa buhat Pakistan.
Sinabi pa ni Lapeña na ang mga illegal drugs ay pinasok sa bansa sa pamamagitan ng PHLPost sa pamamagitan ng surface mail. Ang mga tableta umano ay may ibat-ibang recipients na pinaniniwalaang gawa o modus ng drug syndicate na sangkot sa illegal drug tablets.
Umabot sa 2,058.553 piraso ng assorted illegal drugs na nagkakahalaga ng may P128.9 milyon pero kapag kumalat na sa merkado aabot ito sa P1.2 bilyon.
- Latest