12,000 katao inilikas na
Mayon naglabas ng lava...
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na umabot na sa 3,061 pamilya o 12,044 katao ang inilikas dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Romina Marasigan na kabilang sa mga inilikas ang mga residente mula sa bayan ng Camalig, Guinobatan at Malilipot na nasa paanan ng Mayon.
Magkakaroon din aniya ng forced evacuation sa bayan ng Daraga at Legazpi, na apektado ng lava flow.
Nabatid na gumuho kahapon ang isang lava dome ng Mayon dahilan para magkaroon ng landfall sa ilang bayan sa lalawigan ng Albay.
Nitong weekend, 3 beses na nagbuga ng usok at abo ang bulkan, dahilan para ilagay ito sa ilalim ng Alert Level 3.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology na ang level 3 ay nangangahulugang maaaring magkaroon ng “hazardous eruptions” ang bulkan sa mga susunod na linggo o araw.
Idinideklara naman ang pinakamataas na alerto, Level 5, kapag sumabog na ang bulkan.
Patuloy namang pinapayuhan ng Phivolcs ang mga residenteng nakatira malapit sa Bulkang Mayon na huwag papasok sa loob ng 6 kilometer danger zone crater.
- Latest