Impeach Morales malabo na
MANILA, Philippines — Wala nang sapat na panahon ang Kamara para isulong ang impeachment complaint laban kay Ombudsman Conchita Carpio Morales na nakatakdang magretiro sa Hulyo.
Sinabi ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng House Committee on Justice, na dapat maghintay na lamang ang mga kritiko ni Morales na magretiro siya dahil ang Kamara ay magiging abala sa impeachment ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno at sa pagsusulong ng federalism.
Hindi na umano praktikal at makatotohanan kung isusulong pa ang impeachement ni Morales kung magreretiro na siya sa July 2018.
Disyembre 13 ng nakaraang taon ay inihain ang impeachment laban kay Morales subalit wala kahit isang miyembro ng Kamara ang nag-endorso ng petisyon ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Atty. Manuelito Luna.
Nais ng VACC na ma-impeach si Morales dahil inilabas umano ni Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang ang bank record ni Pangulong Duterte na umano’y may basbas niya.
Sa ilalim ng impeachment rules, tanging ang verified impeachment complaint na may endorser ang ikinokonsiderang opisyal na nakahain sa Office of the House Secretary General.
- Latest