Winwyn kauna-unahang Pinay sa Boulevard Carnaval sa Bolivia
Balik-Bolivia si Reina Hispanoamericana 2017 Teresita Ssen Marquez dahil invited siya sa Boulevard Carnaval, ang bonggang celebration na magaganap sa January 14, 2018 (Monday morning, January 15 sa Pilipinas).
Excited si Teresita aka Winwyn sa pagdalo niya sa Boulevard Carnaval dahil siya ang kauna-unahang Pilipina na kasali sa nasabing okasyon.
Déjà vu ang pakiramdam ko sa participation ni Winwyn sa Boulevard Carnaval dahil 37 years ago, nagpunta sa Brazil ang kanyang nanay na si Alma Moreno para sa shooting ng Carnival Queen.
Si Alma ang number one sex symbol noon at siya ang bida sa Carnival Queen. Sino ang mag-aakala na darating ang araw na magiging Carnival Queen ang kanyang anak na si Winwyn pero hindi sa pelikula kung hindi sa tunay na buhay? Sosyal ‘di ba?
Twenty two years old si Alma nang gawin nito ang Carnival Queen na kinunan ang mga eksena sa Rio de Janeiro sa Brazil. Si Gil Portes ang direktor ng pelikula at si William Martinez ang leading man ni Alma.Natatandaan ko na blockbuster ang Carnival Queen nang ipalabas ito sa mga sinehan noong July 1981 dahil si Alma nga ang top sex symbol noong mga panahon na ‘yon.
Ang Amore Films ang producer ng Carnival Queen. Si Alma ang napipisil noon para magbida sa Salome pero tumanggi siya dahil pinili niya ang Carnival Queen.
Ibinigay kay Gina Alajar ang Salome na isa sa mga pinakamagandang pelikula na ginawa ni Laurice Guillen na nanalo na Best Director sa Gawad Urian noong 1981.
Ipinalabas din sa Toronto International Film Festival ang Salome at umani ito ng mga papuri mula sa mga film critic.
“The kind of cinematic discovery that single-handedly justifies the festival’s existence,” ang isa sa mga nakaka-proud na description sa Salome ng mga dumalo sa Toronto International Film Festival noong 1981.
Wish ko lang, may mga movie producer na mag-produce ng remake ng Salome. Puwedeng si Laurice uli ang mag-direk ng Salome dahil siguradong mas mahihigitan niya ang kanyang movie project noong 1981.
Masipag mag-promote
Ang sipag ng cast ng The One That Got Away dahil kumpleto sila na nag-promote kahapon sa Sunday PinaSaya ng bagong show nila na mapapanood simula ngayong gabi.
Present sa Sunday PinaSaya sina Dennis Trillo, Lovi Poe, Rhian Ramos, Max Collins, Jason Abalos, Jason Francisco, Ivan Dorschne, Migo Adecer, at Sophie Albert.
Matindi rin ang suporta ng GMA 7 management sa The One That Got Away dahil halos every minute ang pagpapakita sa teaser ng romantic comedy television seies na kapalit ng My Korean Jagiya.
Hoping ang mga artista ng The One That Got Away na susuportahan ng manonood ang show nila na entertaining at hindi mabigat sa dibdib na panoorin.
Jinkee napakapalad kay Pacman
Nag-celebrate si Jinkee Pacquiao ng 39th birthday noong January 12 pero nauna na ang birthday surprise sa kanya ni Senator Manny Pacquiao dahil ito ang gumawa ng paraan na makilala niya nang personal ang Korean actor na si Ji Chang Wook.
Napakapalad na babae ni Jinkee dahil natupad ang dream niya na makaharap at makausap si Ji Chang Wook. Ikaw na ang maging asawa ng sikat na boksingero!
Sobrang higpit ng security ng mga Korean superstar at naranasan ko ito nang bumisita sa bansa natin noong May 2017 ang Korean actor na si Kim Soo-hyun.
Maagap at strikto ang mga bodyguard ni Kim Soo-hyun kaya hindi nakalapit sa kanya ang Pinoy fans pero wala silang nagawa nang sumigaw ako ng “I love you” para makuha ang atensyon ni Kim Soo-hyun na nag-smile sa kagagahan ko.
- Latest