2 pang pres’l appointees namemeligrong masibak
MANILA, Philippines — Dalawa pang Presidential appointee ang namemeligrong masibak sa kanilang mga puwesto at matulad sa sinapit ni Marina administrator Marcial Amaro III.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mayroong dalawang nakabinbing reklamo sa tanggapan ng Presidential Management Staff (PMS) laban sa 2 presidential appointees.
Hindi naman idinetalye ni Roque kung may kinalaman rin sa biyahe ang reklamong sinisiyasat na ng PMS at ang tangi lamang naging pahayag nito hinggil sa nilalaman ng complaint ay may nangyaring pananamantala.
Idinagdag pa ni Roque, marami pa ang susunod na mga sisibakin sa ibat ibang government positions.
Pero bukod sa dalawang complaint na under scrutiny ng PMS, hindi na nagbigay pa ng dagdag impormasyon si Roque sa ilan pang mga opisyal ng pamahalaan na nasa balag ng alanganin at napabilang sa humahabang listahan ng mga na-evict sa team ng Duterte Administration.
Magugunita na naunang sinibak ni Pangulong Duterte dahil sa mga foreign trips ng mga ito sina PCUP chairman Terry Ridon at Development Academy of the Philippines chairperson Elba Cruz.
“Kapag ikaw ay grabe-grabe na magbiyahe ‘no. So, I guess reflected na rin iyan kung paano iyong perspektibo mo sa panunungkulan sa gobyerno ‘no. At ang bibliya naman ng Presidente iyong ating Saligang Batas dapat eh—public service is a public trust, kinakailangan simple ang buhay at siyempre iyong mga batas na umiiral laban sa anti-graft,” sabi pa ni Roque.
- Latest