Sa Piling ng Kalapati (4)
DOSE anyos siya noon at nasa Grade 6. Namatay ang kanyang ama na isang construction worker. Nahulog sa ginagawang building sa may Tayuman. Nag-asawang muli ang kanyang ina. Pero mas impiyerno ang pinasok dahil bukod sa tamad ay nambubugbog pa ang napangasawa. At “nagdudurog” pa ang walanghiyang lalaki.
Minsan, habang wala ang kanyang ina, pinasok siya sa banyo habang naliligo ng walanghiyang lalaki. Gagahasain siya. Naibaba na ang shorts at sasagpangin na siya nang bigla siyang magsisigaw. “Tulungan n’yo ako! Tulungan n’yo ako!’’
Naglabasan ang mga kapitbahay para tulungan siya. Pero dahil sabog sa droga ang walanghiyang kinakasama ng ina niya, nakadampot ng kutsilyo at hinostage siya.
Nagdatingan ang SWAT. Isang magaling na SWAT ang nakakita ng butas sa dingding ng banyo at naasinta ang walanghiya. BANG!
Patay ang walanghiya!
Pero ang magaling niyang ina, sinisi pa siya. Siya raw ang dahilan kaya napatay ang kinakasama. Kung hindi raw siya humingi ng saklolo baka buhay pa ang kinakasama. Nagpuyos siya sa galit. “Ginahagasa ako ng lalaki mo kaya ako nagsisigaw!’’
Pero pinagmumura pa siya!
Mula noon, naging lasengga ang ina niya at lagi siyang minumura. Sinisisi siya sa pagkamatay ng lalaki nito. Sinasaktan pa siya. Hanggang sa maglayas na siya.
Hanggang mabalitaan niya na nasagasaan ng tren ang ina niya. Lasing habang tumatawid sa riles.
Nagpalabuy-laboy na siya mula noon at nakita nga siya ni Mommy Donna sa harapan ng convenient store sa may Doroteo Jose.
BIGLANG nagising ang bata na napulot nila. Pupungas-pungas.Hinimas ni Ruth ang noo. Okey naman ito. Hindi na giniginaw.
“Anong pangalan mo?’’
“Coco.’’
“Nagugutom ka?’’
Tumango.
‘‘Sandali lang.’
Kumuha ng pagkain si Ruth sa kusina.
(Itutuloy)
- Latest