PNoy admin, dapat magpaliwanag sa ‘Dengvaxia’ controversy – Andanar
MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ng Malacañang na walang ibang dapat magpaliwanag kaugnay sa kontrobersya sa pagbili ng Dengvaxia vaccine kundi ang nakaraang administrasyon, ayon kay Presidential Communications Sec. Martin Andanar.
Sinabi ni Sec. Andanar, ang opisyal ng nakaraang administrasyon ang dapat magpaliwanag kaugnay sa controversial na pagbili ng Dengvaxia vaccine na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon.
Ito ang binigyang-diin ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) chief, kasunod na rin ng pahayag ng mga kritiko na hindi lang dapat ibagsak ang sisi sa nakaraang gobyerno kundi pati sa kasalukuyang administrasyon dahil ipinatupad din daw ang programa sa panahon ni dating Health Sec. Pauline Ubial.
Idinagdag pa ni Andanar, sino ba ang pumirma ng multi-milyong dolyar at sinu-sino ang mga kasama sa nangyaring lagdaan at kasama sa naging pag-uusap sa mga taga-Sanofi.
Sabi pa ni Andanar na mahalagang mabigyang-linaw din ng nagdaang administrasyon kung bakit tila nagkaroon ng pagmamadali sa $70 million dengue immunization project at ito ay sa kabila ng wala umanong “go signal” mula sa World Health Organization na nagbibigay clearance na ito ay ligtas at walang peligro.
Pati aniya ang pinagmulan ng pondo sa pagbili ng nasabing dengue vaccine ay dapat na mabigyang linaw ng nakaraang gobyerno.
- Latest