Aguirre pinaiimbestigahan si Aquino sa DAP, pork barrel scam
MANILA, Philippines — Inatasan ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang umano’y kaanomalyahan ng Disbursement Acceleration Program at Priority Development Assistance Fund sa ilalim ng nakaraang administrasyon ni dating Pangulo Benigno Aquino III.
Inutos ito ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kasunod ng paghahain ng mga ebidensya ni dating Manila Councilor Greco Belgica na kilalang taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod kay Aquino ay pinaiimbestigahan din sina dating Budget Secretary Florencio Abad at dating Budget Undersecretary Mario Relampagos.
Lumabas umano na may P6.5 bilyon mula sa P144 bilyon na pondo ng DAP ang inilagak sa mga proyektong hindi nakasaad sa budget.
Nauna nang ipinahiwatig ni Aguirre na tatayong testigo si dating Sen. Jinggoy Estrada na umaming nakatanggap umano ng karagdagang pondo matapos bumoto para sa pagkaka-impeach ni Chief Justice Renato Corona.
“But I can reveal that after the conviction of the former chief justice, those who voted to convict the former chief justice, those who voted to convict were allotted an additional P50 million,” sabi ni Estrada sa kaniyang privilege speech noong 2013.
Nito lamang ay pansamantalang nakakuha ng kalayaan si Estrada matapos makapagpiyansa para sa kaniyang kaso kaugnay ng PDAF scam.
Naibasura naman sa Office of the Ombudsman ang kasong graft laban kina Aquino at Relampagos habang pinananagot naman sa usurpation of legislative powers si Abad.
- Latest