Singapore na sa 2018
TAPOS na ang ASEAN summit. Pormal na ipinasa ni Pres. Rodrigo Duterte sa Singapore ang ASEAN chairmanship para sa susunod na taon. Isa-isa nang umalis ang mga pinuno ng mga bansang dumalo. Maagang umalis si US Pres. Donald Trump. Maraming pinag-usapan ang mga bansang dumalo sa summit. Maraming kasunduan ang nilagdaan para sa tulong sa ilang proyekto sa bansa. Ang pinakamalaking kasunduan na nilagdaan ng mga miyembro ng ASEAN ay ang Asean Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers. Mas mabibigyan ng proteksiyon at oportunidad ang lahat ng nais magtrabaho sa ibang bansa. Magandang balita ito sa overseas contract workers.
Hindi naman naganap ang malawakang pagpuna, pagbatikos at pagkondena sa madugong kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte. Siguro ayaw nang banggitin habang nasa teritoryo ni Duterte. Pero ayon kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau, tinanggap naman ni Duterte ang kanyang pagkabahala sa karapatang pantao, partikular ang extrajudicial killings, pati ang pagpapairal ng batas. Ang mga pinuno ng European Union at United Nations ay nagbanggit din ng kahalagahan ng karapatang pantao sa kani-kanilang mga talumpati. Nagkasundo naman ang US at Pilipinas na mahalaga ang dignidad at karapatang pantao. Walang batikos mula kay Trump, na ngayon ay may sariling kampanya kontra iligal na droga. Hintayin na lang kung may reaksyon si Duterte kapag nakaalis na ang lahat.
Mainit ang pagtanggap ni Duterte kay Trump taliwas sa administrasyon ni Barack Obama, na minura pa nga niya ng ilang beses. Malakas at mahalaga pa rin daw ang pagkakaibigan ng US at Pilipinas. Mahalaga ang lokasyon ng Pilipinas, ayon kay Trump. Sana nga ay malakas pa rin ang pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Ilang bansa rin ang nagsalita hinggil sa isyu sa South China Sea, at ang kahalagahan ng Code of Conduct sa nasabing karagatan. Sa totoo lang, ang narinig ko lang ay ang mga pahayag kapag ang isyu ng South China Sea na ang pinag-uusapan. Panahon na lang ang makapagsasabi kung talagang uupuan at tatalakayin ng ASEAN at China ang Code of Conduct sa South China Sea, at kung papayag ang China sa mga alituntunin nito.
- Latest