Modus ng ‘drug queen’ imbestigahan - Barbers
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magsagawa pa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa “modus operandi” at pinagkukunan ng illegal na droga ng convicted drug queen na si Yu Yuk Lai at kanyang anak.
Ayon kay Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na dapat na imbestigahan ang modus operandi ng mother and daughter tandem para madiskubre kung sino ang kanilang mga kasabwat sa pag-facilitate ng importasyon ng illegal na droga at sino ang kanilang mga kontak para sa distribusyon nito.
Matatandaan na nakumpiska ng PDEA ang may P17 milyong halaga ng shabu at pera sa dalawang magkasunod na raid sa Correctional Institution for Women (CIW) noong Lunes sa Mandaluyong kay Yu Yuk Lai at sa anak nito na si Diana Yu Uy sa kanyang condominium malapit sa Malacañang.
Ginagamit umano ni Diana ang kanyang negosyong bigas na ilang metro rin lang ang layo sa Malacañang Palace para itago ang illegal na aktibidad nito sa droga at siya ring sekretong pinaglalagyan ng kontrabando para maipasok sa CIW.
Bukod dito, dapat din umanong imbestigahan ng PDEA ang Philippine National Police–Police Security Protection Group (PNP-PSPG) kung bakit binigyan nila ng VIP security escorts si Diana na hinihinalang drug lord.
- Latest