2 senglot timbog sa gun ban
MANILA, Philippines — Sa kulungan ang bagsak ng magkaibigang lalaki na kapwa mga lango sa alak matapos na arestuhin ang mga ito dahil sa walang habas na pagpapaputok ng kanilang baril sa isang lugar sa Brgy. Citrus, San Jose Del Monte City Linggo ng gabi at kaugnay na rin sa pinaiiral na gun ban ng pulisya para sa nalalapit na Asean Summit sa bansa.
Kaagad na sinampahan ng mga kaukulang reklamo ang mga suspek na sina Macric Sister, 24 at Jay-ar Basco, 27 kapwa mga residente ng Area G, Brgy. Citrus sa naturang bayan.
Sa ulat na isinumite ni P/Supt. Fitz Macariola sa Kampo Alejo Santos dakong alas-9:00 ng gabi ay tumawag sa himpilan ng pulisya ang residente sa naturang lugar na si Jay-Ar Basco, 27, upang ipaalam ang ginagawang panggugulo ng dalawang suspek sa kanilang lugar kabilang na ang pagpapaputok ng kani-kanilang baril.
Kaagad na nirespondehan ang naturang ulat at nang dumating sa itinurong lugar ay dito na naaktuhan ang mga suspek na nasa gitna ng kalsada saka naghahamon ng gulo sa ilang mga residente at nang komprontahin ay dito na narekober ang isang paltik na baril na may bala ng 12 gauge shotgun at isa pang pen gun na may bala ng .38 kalibre.
Kaagad na hiningan ng mga kaukulang dokumento ang mga armas subalit walang naipakita ang mga ito na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto habang nabatid din na kapwa mga lango sa alak ang mga suspek saka binitbit sa himpilan ng pulisya.
- Latest