Dingdong naiba ang buhay sa asawa’t anak
Hindi raw pipilitin ng mag-asawang Marian Rivera at Dingdong Dantes na mag-artista rin katulad nila ang anak na si Zia. Hanggang maaari ay gusto muna ng mag-asawa na makapag-aral ang kanilang anak.
“Magiging desisyon niya ‘yon later on. Pero sa ngayon ay ibibigay namin ang lahat ng opportunities para sa kanyang growth, especially education. Because ultimately, later on ay kailangang maging desisyon niya kung ano man ang gusto niyang pasukin. Kung ano man ‘yon, we will support her 100%. Kaya ngayon the molding and guiding stage ang pinakamahalaga,” nakangiting pahayag ni Dingdong.
Ayon sa aktor ay talagang naiba ang kanyang buhay mula nang magkaroon ng asawa at anak. “The best, life-changing talaga. Conceptually, nalalaman mo lang ‘yan through other people. Kapag sinasabi nila na it will really change your life. But mapapatunayan mo talaga kung mangyari siya sa iyo, and it really has changed my life. It’s the best decision that I’ve made,” paliwanag ni Dingdong.
Matatandaang pinakasalan ng aktor si Marian noong December 2014 at ipinanganak naman ng aktres ang kanilang panganay noong November 2015.
Kris all out sa horror movie ni Kim
Pinag-uusapan ngayon ang pagkakaroon ni Kim Chiu ng titulong ang bagong ‘Horror Queen.’ Magbibida ang aktres sa pelikulang The Ghost Bride na ipalalabas na sa mga sinehan simula November 1. Nagbida na rin noon si Kim sa The Healing at Shake, Rattle and Roll X.
Sa ngayon ay si Kris Aquino pa rin ang kinikilalang ‘Horror Queen’ dahil sa maraming horror movies na pinagbidahan ng aktres. “Siguro iba si Ate Kris. Siya talaga is really the Horror Queen by Direk Chito (Rono). Iba ‘yun, saka siyempre ako, iba rin,” bungad ni Kim.
Hindi na raw hinahangad ng dalaga na magkaroon ng titulo at sa halip ay pagbubutihin na lamang ang lahat ng trabahong kanyang ginagawa. “I’m just very thankful and honored na mabigyan ako ng ganito kalaking pelikula, na pinagkatiwala nila sa akin ito. Lalo na si direk at ang buong Star Cinema at lahat ng tao na bumubuo ng Ghost Bride.”
Ayon kay Kim ay suportado siya ni Kris habang ginagawa ang nasabing pelikula. Nagsabi rin daw kay Kim ang aktres na panonoorin niya ito. “Yes, sabi niya, ‘Manonood ako.’ Sabi niya, ‘Kung kaya ng schedule ko, nandoon ako sa premiere night.’ Sobra siyang supportive. Sabi niya, ‘Kamusta na ang shooting?’ ‘How’s Direk Chito?’ Nami-miss niya si direk Chito,” kuwento ni Kim.
Kasama ng dalaga sa The Ghost Bride sina Matteo Guidicelli, Christian Bables, Ina Raymundo, at Alice Dixson.
- Latest