Arum umaasa pa rin sa Pac-Horn II
MANILA, Philippines — Habang wala pang opisyal na pahayag si Manny Pacquiao ay patuloy pa ring aasa si Bob Arum ng Top Rank Promotions na matutuloy ang rematch ng Filipino boxing superstar kay Australian world welterweight king Jeff Horn sa susunod na taon.
Dahil sa pagtanggi ni Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) na muling labanan si Horn (17-0-1, 6 KOs) sa Australia ay kinuha ni Arum si Gary “Hellraiser” Corcoran (17-1) para humamon sa dating school teacher.
Ginulat ni Horn si Pacquiao via unanimous decision para agawin sa Senador ang suot nitong World Boxing Organization welterweight crown noong Hulyo 2 sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.
Ang naturang titulo ang idedepensa ni Horn laban kay Corcoran sa Disyembre 15 sa Suncorp Stadium sa Brisbane.
Kung tuluyan namang magreretiro si Pacquiao ay maaaring itapat ni Arum kay Horn si American light welterweight titlist Terence Crawford.
“If Horn beats this kid, we could do the Pacquiao rematch in the first part of 2018 or go right to a fight with (Terence) Crawford,” wika kahapon ni Arum sa panayam ng BoxingScene.com. “Pacquiao might not fight again. Who knows?”
Sa kanilang fight contract ay may nakasaad na rematch clause kung saan tanging sa Australia lamang ito gagawin ngunit tinanggihan ito ni Pacquiao.
- Latest