Duterte saludo sa TESDA
MANILA, Philippines — Saludo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamunuan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil sa mga nagawang magandang pagbabago ng ahensiya upang makapagbigay ng libreng skills training sa mamamayan.
Kasabay nito, pinuri rin ng Pangulo si TESDA Director General at Secretary Guiling “Gene” Mamondiong dahil sa ipinakikita nitong sipag dahilan upang magkaroon ng bagong anyo ang technical and vocational education sa bansa.
Ayon sa Pangulo, maganda ang mga sinimulang proyekto ni Mamondiong at inamin nito sa kanyang talumpati na naka-programa na para maitalaga sa TESDA ang kalihim dahil kilala ito sa pagbibigay ng tulong sa mga Filipino upang mapaganda ang kinabukasan.
Bago ang talumpati ni Duterte ay iniulat ni Mamondiong sa Pangulo ang mga nasimulan nito nang manungkulan bilang kalihim ng ahensiya noong nakalipas na taon kabilang na dito ang pagkakaroon ng skills mapping sa buong bansa, pagsasaayos ng mga training institutions, paglalagay ng tendering system, pagtatayo ng National Inspectorate Group (NIG) at iba pa na labis na napakikinabangan ngayon ng mga scholars ng TESDA.
- Latest