4 pusher timbog sa P2.5M shabu
MANILA, Philippines - Nadakip ang apat na sinasabing tulak ng droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga otoridad sa Bicutan, Taguig City, kahapon ng madaling araw.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Don Kadatuan, Ibrahim Kadtugan, kapwa nasa hustong gulang na residente ng Maguindanao St., Brgy. New Lower Bicutan sa lungsod at dalawa nilang pamangkin na pawang menor-de-edad na hindi pinangalanan.
Batay sa ulat, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang isagawa ang buy bust operation ng mga tauhan ng Taguig police makaraang makatanggap ng reklamo hinggil sa umano’y pagbebenta ng droga ng mga suspek.
Isang kagawad ng pulisya ang nagsilbing buyer ng droga at aktong iniaabot ang bawal na gamot nang posasan ang mga suspek.
Nakatakas ang mga magulang ng mga menor-de-edad na sina alyas ‘Elmer’ at ‘Diana’ na target din sa nasabing operasyon.
Narekober mula sa mga suspek ang walong malalaking sachet na naglalaman ng hinihinalang droga na aabot sa isa’t kalahating kilo na may street value na P2.5 milyon.
Isa ring rifle replica, at iba’t ibang bala at drug paraphernalia ang nakumpiska sa mga suspek.
Nahaharap ang mga nahuling suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest