2 mamamahayag, itinumba
NORTH COTABATO, Philippines - Dalawang mamamahayag ang napatay sa magkahiwalay na pamamaril sa pagpasok pa lamang ng linggong ito sa Sultan Kudarat at Zamboanga del Sur.
Unang namatay sa pamamaril ang biktimang si Rudy Dahunan Alicaway, 46, anchor ng dxPB 106.9 Radyo Ng Bayan Molave.
Batay sa ulat, si Alicaway ay niratrat ng riding-in-tandem gunmen sa bahagi ng Sitio Lopez, Barangay Culo sa bayan ng Molave, Zamboanga del Sur.
Si Alicaway ay biktima at barangay kagawad ng Miligan sa bayan ng Molave.
Lumalabas sa imbestigasyon na pauwi na ang biktimang nagmomotorsiklo mula sa kanyang Sunday radio program na “Tigmo-Tigmo” dakong ala-1:15 ng hapon nang tambangan.
Ayon sa mga testigo sa naganap na krimen, pagkahulog ng biktima sa motorsiklo ay gumapang pa ito para makatakas.
Subalit bumaba ang isa sa gunman saka muling binaril ng dalawang beses ang biktima saka tumakas papunta sa direksyon ng Magsaysay Street.
Mismong mga bystander ang nagdala sa biktima sa Salug Valley Medical Center subalit idineklarang patay.
Samantala, bandang alas-8:40 ng umaga kahapon nang tambangan din ng riding-in-tandem assassins ang correspondent at kolumnista ng Manila Bulletin sa bahagi ng Barangay Kalanawe II, bayan ng President Quirino sa Sultan Kudarat.
Kinilala ang biktima na si Leodoro Diaz ng Barangay Kalanawe sa nasabing bayan.
Si Diaz ay napatay habang sakay ng motorsiklo na patungong sana sa Tacurong City upang kumuha ng police report.
Napag-alaman din na si Diaz ay kolumnista rin ng Sapol News at Tacurong-based radio reporter habang patuloy naman ang malalim na imbestigasyon ng pulisya.
- Latest