Trak driver na nakapatay ng 6, kinasuhan
MANILA, Philippines - Ipinagharap na ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries and damage to property sa piskalya ng Taytay, Rizal ang driver ng 10-wheeler truck na umararo sa mga bahay, tindahan at terminal ng traysikel kamakalawa ng umaga na nagresulta sa pagkamatay ng anim-katao, at pagkasugat ng 19-iba pa sa Barangay Dolores sa kahabaan ng Cabrera road.
Ayon kay P/Supt. Samuel Delorino, hepe ng Taytay police station, ang suspek na si John Paul Teston, 22, ng Lupang Arenda, Barangay Sta. Ana, sa Taytay, ay kinasuhan na nila kahapon ng umaga.
Pinag-aaralan na rin ng pulisya kung may pananagutan din sa insidente ang employer ni Teston na Jessy N Jassy Trucking Services.
Ayon sa police report, patungo sana sa Kaytikling Rotunda ang 10-wheeler truck (TBP-967) na minamaneho ni Teston mula sa Antipolo City nang tangkain nitong iwasan ang isa sa dalawang traysikel na nauuna sa kanya. Nagkamali naman ng kalkulasyon si Teston kaya nahagip pa rin ang traysikel pagsapit sa pababang bahagi ng kalsada.
Hindi na rin nakabawi pa sa pagkontrol sa manibela si Teston matapos na mawalan ng preno ang truck at nagtuluy-tuloy na suyurin ang mga biktima, gayundin ang mga bahay, tindahan at terminal ng traysikel.
Sumabit pa sa puno ng acacia ang 20-footer container van na karga ng truck kaya bumagsak ito at tumama sa mga biktima na karamihan ay mga namimili, mga residente, at mga nagta-tricycle.
Nasa pitong traysikel at tatlong motorsiklo na nakaparada ang nadamay sa aksidente.
Kinilala ang mga namatay na sina Luiz Bustamante, 59, tricycle driver; Ma. Remedios Apejas, 16, Grade 11 student; Rolando Ricafort, 47, tricycle driver; Teresita Bonaobra, 64, landlady; Mary Gimpis, 33; at kanyang anak na si Princess Gimpis, magda-dalawang taong gulang, mga residente ng Cabrera Road sa Barangay Dolores.
Kabilang naman sa mga sugatan ay sina Jiony Gutierez, 35; Jinky Torreno, 23; Winmark Saliwan, 21; King Joshua Bonaobra, 3; Nida alcantara, 56; Larry Alcantara, 54; Jeann Gimpis, 9; Arnel Goloc, 36; Alexander Rebuyaco, 27; Abegail Moralina, 26; Carlo Tolentino, 39; Richard Cooper, 67; Nico Noche, 22; Kevin Bonaobra, 6; Camille Bonaobra, 11; Augusto Caparas, 39; Bryan Trabasas, 28; at Ken Christian Tajonar. Sugatan din naman si Teston dahil sa pangyayari.
- Latest