Pocari at Creamline iisa lang ang tinitingnan
Playoff para sa huling semis berth
MANILA, Philippines - Kapwa hangad ng defending champion Pocari Sweat Lady Warriors at Creamline Cool Smashers na makasiguro ng playoff para sa huling semifinal berth sa kanilang pagtatagpo ngayon sa pagpapatuloy ng 2017 Premier Volleyball League Reinforced Conference quarterfinal round sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Tangan ang parehong 1-0 win-loss kartada sa quarterfinals, magtatagpo ang Creamline at Pocari sa alas-4 ng hapon habang maglalaban naman ang quarterfinals opening day losers na Air Force Lady Jet Spikers at Perlas Lady Spikers sa alas-6:30 ng gabi.
Pag-aagawan naman ng Cignal HD Spikers at Sta. Elena Wrecking Balls ang ikalawang puwesto sa semifinal round sa kanilang paghaharap sa alauna ng hapon sa men’s division.
Ang Cignal HD at Sta. Elena ay nagsososyohan sa parehong 3-1 win-loss card kaya ang mananalo ay aabanse sa semis bilang second seed sa likuran ng nangungunang Philippine Air Force na hawak ang 4-1 card.
Nagwagi ang Pocari laban sa Air Force, 21-25, 25-23, 19-25, 25-14, 15-10 sa unang araw ng quarterfinals noong Sabado ngunit hindi rin nagpaiwan ang Creamline matapos makaligtas laban sa Perlas, 25-16, 9-25, 17-25, 25-13, 15-13 para makisosyo sa liderato.
Ang top two teams pagkatapos ng quarterfinals ay papasok sa best-of-three semis kasama ang top seed sa BaliPure at second seed Power Smashers.
Bukod kay Myla Pablo na kakabalik lang mula sa injury, sasandal din si coach Rommeo Abella sa Amerikanong import na si Michelle Strizak at sa bagong import na si Krystal Rivers kung makakuha na ito ng ITC mula sa FIVB. Si Rivers ang pumalit sa na-injured na si Edina Selimovic ng Bosnia.
Itatapat naman ni coach Tai Bundit ng Creamline sina Alyssa Valdez at dalawang imports na sina Kuttika Kaewpin ng Thailand at Laura Schaudt ng US kaya tiyak ang mainit na laban sa dalawang koponan.
Sa dalawa nilang pagtatagpo sa elimination round, tabla ang Pocari at Creamline, 1-1. Tinalo ng Lady Warriors ang Cool Smashers, 15-25, 25-18, 26-24, 25-19 sa first round noong Mayo 11 ngunit bumawi sina Valdez at Kaewpin sa second round, 21-25, 25-18, 25-20, 25-13 noong Mayo 20.
- Latest