EDITORYAL - Pag-aralan muna ang Anti-Distracted Driving Act
MARAMING nalilito sa pagpapatupad ng Republic Act 10913 o Anti-Distracted Driving Act (ADDA) na nagkabisa noong nakaraang linggo. Sa ilalim ng batas, bawal ang paggamit ng cell phone at iba pang gadgets habang nagmamaneho. Kailangan ay walang makaka-distract sa paningin sapagkat ito ang nagiging dahilan ng aksidente. Karaniwang bumabangga ang sasakyan kapag gumagamit ng cell phone at mayroon ding nasasagasaang pedestrians. Ang mahuhuling gumagamit ng cell phone ay magmumulta ng P5,000 sa unang paglabag; P10,000 sa ikalawa at P15,000 sa ikatlo ang mga mahuhuli.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO) magagamit lamang ng driver ang kanyang cell phone kung ito ay naka-fixed sa isang lugar na sasakyan na hindi makaka-obstruct sa kanyang paningin. Maaaring gumamit ng cell phone kung titigil sa isang ligtas at pinapayagang lugar. Hindi rin naman maaaring gumamit ng phones kung nakatigil dahil sa traffic light. Ang exempted para makagamit ng cell phone ay yung may emergencies, tatawag ng pulis dahil may krimen, tatawag ng bumbero at kung nangangailangan ng doctor.
Okey na sana ang batas sapagkat ang kaligtasan ng mamamayan ang hangad dito. Pero nagkaroon ng pagkalito nang magsulputan ang iba pang mga bawal na tila wala naman sa batas o basta idinagdag na lamang. Bukod sa paggamit ng cell phone at iba pang gadgets, bawal na rin ang paglalagay ng rosaryo, pag-inom ng kape, pagme-makeup, at kung anu-ano pang bawal na nagbigay ng kalituhan sa mga drayber. Ano ba talaga ang bawal at hindi?
Tila hindi pa handa ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng ADDA. Maski ang mga traffic enforcers ay hindi rin masagot kung ano nga ba ang ipinatutupad nilang batas. Maraming argumento sa ADDA at kailangan pang plantsahin bago tuluyang ipatupad. Kailangang pag-aralan munang mabuti ito para hindi magdulot ng kalituhan at pagdedebate.
- Latest