Lalaki pinatay, natagpuan sa maleta
MANILA, Philippines - Isang hindi kilalang bangkay ng isang lalaki na may tama ng saksak ang natagpuang nakabalot at nakasilid sa isang maleta sa labas ng isang bodega sa Brgy. Niog 2, Bacoor, Cavite nitong Biyernes.
Sa inisyal na ulat ng Cavite Police, isang katiwala ng bodega ang nakadiskubre sa itinapong maleta na naglalaman ng bangkay ng isang lalaki na tinatayang nasa 30-35 anyos at may taas na 5’5”.
Ang nasabing maleta ay nababalutan ng kulay itim na plastic ng basura at may nakapulupot pang kulay pulang masking tape. Binalot rin ng packaging tape ang buong mukha ng biktima at nakagapos pa ng nylon cord ang mga kamay nito.
Nang suriin ng SOCO ang maleta, dito nadiskubre ang nakabaluktot na bangkay ng lalaki at may palatandaang binigti ito ng electrical tape, at nakitaan ng saksak sa dibdib at tiyan.
Pinaniniwalaang kahapon lamang ng madaling-araw pinatay ang biktima dahil hindi pa naagnas ang bangkay nito at posibleng itinapon lamang sa lugar upang ilihis ang imbestigasyon ng pulisya.
- Latest