Dapat magkatrabaho mula nat’l broadband
ANG mahal ng budget ng gobyerno para sa bagong national broadband. P80 bilyon hanggang P200 bilyon ang gagastahin para ikonekta sa matuling Internet lahat. Sana ay maging transparent ang Dept. of Information and Communications Technology sa bawat hakbang sa pagtatag ng national broadband. Maari masilaw ang marupok na opisyal; isang porsiyentong kickback lang ay halagang P800 milyon hanggang P2 bilyon na.
Higit sa lahat, dapat siguraduhin ng gobyerno na maraming maeempleyo mula sa broadband program. Obligahin ang mga dayuhang kontratista na ituro ang teknolohiya nila sa mga Pilipino, at mag-recruit ng manggagawa sa mga pook kung saan mabibigyan ang kontratista ng exclusive operating rights. Magbubunsod ang mga magkakatrabaho ng iba pang hanapbuhay, tulad ng mga kantina, sasakyan, at uniporme.
Tigilan na ng gobyerno ang pagpapayaman sa mga dayuhan sa pangongontrata. Ihalimbawa ang dalawang kapalpakang ito:
- Mahigit P30 bilyon na ang winaldas ng Comelec sa dalawang pagbili at accessorize ng 200,000 voting machines. Kinontrata ang bagitong Smartmatic ng Venezuela, na sa Taiwan ipinagawa ang mga makina. Ultimo 144,000 mini-flash drives na kinailangan nu’ng 2010 ay sa Thailand pa binili. Walang value-added na gawang Pinoy.
- P3.8 bilyon ang sinayang ng DOTC sa pagpapagawa ng vehicle registration plates nu’ng 2013. Inalis ang pinaka-mababang bidder, isang Pilipino na 30 taon nang gumagawa ng mga plaka, at kasosyong Polish na magtatayo sana ng pabrika sa Luzon. Kinontrata ang pinaka-mahal na bidder, Pilipino na sentensiyado ng forgery kaya bawal mangontrata sa gobyerno, at Dutch na kapos sa puhunan. Sa India nila ipinagawa ang mga plaka. Imbis na 10 milyon pares, ilan libong plaka lang ang nabuo -- at substandard pa dahil nalulukot ang bakal na parang papel sa tubig baha. Ni hindi nakasuhan ang mga kawatang burokrata na nangontrata.
- Latest