EDITORYAL - Ningas-kugon na anti-smoke belching campaign
KAHAPON, nagsagawa ng smoke-belching campaign ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Land Transportation Office (LTO) sa Commonwealth Avenue at maraming nahuling sasakyan na nagbubuga nang maitim na usok. Karamihan ay mga dyipni at trak ang nahuli. Ang tanong ay hanggang kailan ang kampanyang ito ng DENR at LTO? O ningas-kugon lang uli ito? Masigasig lang sila sa umpisa pero kapag nagtagal na, wala na ang apoy ng sigla. Balik sa dati ang mga lumalason sa kapaligiran at inilalagay sa panganib ang buhay ng mamamayan. Ang paghuli sa smoke-belchers ay nakasaad sa Clean Air Act of 1999, pero hindi naipatutupad ang batas. Naging dekorasyon lang.
Malala na ang air pollution sa Metro Manila. Usok na may lason ang nalalanghap ng milyong residente sa Metro Manila at nagiging dahilan ng sakit sa respiratory system. Kapag hindi nasolusyunan ang air pollution, magkakatotoo ang isang pag-aaral na sa darating na panahon, hindi na matitirahan ang Metro Manila dahil sa sobrang pagkalason ng hangin. Sa pag-aaral mismo ng DENR, ang mga sasakyan ang nagdudulot ng grabeng pollution sa Metro Manila. Umano’y 70-80 percent ng emissions ay galing sa mga tambutso ng sasakyan. Ang maruming usok na ito ang nalalanghap ng kawawang commuters araw-araw.
Ang DENR ang may responsibilidad sa paglilinis ng hangin at pangangalaga sa kapaligiran. Sila ang dapat na pumigil sa mga nagsusunog ng kagubatan, pagbabawal sa paggamit ng incinerators at pagyayaot ng mga kakarag-karag na sasakyan. Ngayong ni-reject ng Commission on Appointment (CA) si DENR secretary Gina Lopez lalo nang lulubha ang problema sa air pollution.
Ang solusyon sa air pollution ay nakasalalay sa kapalit ni Lopez. Sana maging matapang din siya at may paninindigan laban sa mga lumalason at sumisira sa kapaligiran. Ang aming suhestiyon para masolusyunan ang air pollution, lahat nang mga sasakyang 15 taon pataas ay dapat nang alisin sa kalsada.
Iligtas ang Metro Manila sa mapaminsalang air pollution. Maawa sa mga susunod pang henerasyon. Palanghapin sila nang sariwa at malinis na hangin. Huwag ningas-kugon sa kampanya laban sa lumalason sa kapaligiran.
- Latest