Permanenteng DILG secretary
HINDI pa umiinit ang puwit ni acting DILG Sec. Catalino Cuy ay mukhang mapapalitan na. Bali-balita na nire-review na ni Pres. Rodrigo Duterte ang listahan ng itatalagang permanenteng DILG secretary. Matatandaan na hinirang ni Duterte si Cuy kapalit nang sinibak na si DILG Sec. Mike Sueno dahil sa corruption. Ayon sa mga suki ko sa Palasyo, may ilang pangalan na pinagpilian si Duterte para italagang DILG secretary at isa rito si Atty Franklin Quijano, dating mayor ng Iligan City. Kuwalipikadong DILG secretary si Quijano dahil alam niyang hawakan ang mga pulitiko at Philippine National Police lalo sa kampanya sa illegal drugs.
Galing Mindanao rin si Quijano at magkakasundo sila ni Duterte. Kung napatahimik ni Duterte ang Davao City noon, ganundin si Quijano sa Iligan City. Kung gumamit ng kamay na bakal si Duterte para sawatain ang kriminalidad at droga sa Davao, ganundin si Quijano. Kaya hindi nalalayo na kung diretso ang pamalakad ni Duterte ng gobyerno, ganundin si Quijano. Bilang patunay sa magandang pamamalakad niya sa Iligan City, aba sangkatutak na award ang iginawad sa kanya.
Orihinal na supporter ni Duterte si Quijano dahil isa siya sa mga Pinoy na nagkumbinsi sa kanya na tumakbo bilang Presidente. Si Quijano ay miyembro ng Marco Polo Group na nagtulak kay Duterte na tumakbo noon pang 2014. Ano ba ang karapatan ni Quijano na maging DILG secretary bukod sa pagiging tagasuporta ni Duterte? Kung bawal ang kriminalidad, pushers at addict sa Iligan City noong mayor pa siya, tiyak dadalhin ito ni Quijano sa DILG. Pag-iibayuhin ni Quijano ang Oplan Tokhang para matapos ang problema ng droga sa bansa. Sabi ni Quijano, kailangan ang suporta ng sambayanan sa kampanya sa droga para hindi na bumalik ang pamamayani ng drug lords pagkaraan ng termino ni Duterte. Kapag hindi nangyari ito, para lang daw nagbakasyon ng anim na taon ang drug lords at babalik pag hindi na Presidente si Duterte. Abangan!
- Latest