Kumalas sa grupo ang plano ng NU
MANILA, Philippines - Magpapatuloy ang laban ng Far Eastern University na buhayin ang kanilang kampan-ya ngayong season sa women’s division ng UAAP Season 79 volleyball tournament sa kanilang muling pakikipagharap sa National University sa MOA Arena ngayong hapon.
Mag-uumpisa ang kanilang laro sa dakong alas-4:00, pagkatapos ng tunggaliang Adamson University at De La Salle University sa ganap na alas-2:00.
Inaasahang magiging maaksyong sagupaan ang matutunghayan, kung saan nakataya ang tsansa ng FEU na makaabot sa Final Four habang puntirya naman ng NU na kumalas sa three-way tie sa 7-5 kasama ang University of the Philippines at Santo Tomas para umakyat sa solo third.
Kinakailangang mai-panalo ng FEU ang kanilang laro ngayon at ang kanilang huling laban sa UP sa Miyerkules para tapusin ang eliminations sa kartadang 8-6 na maaaring makapag-usad sa kanila tungo sa semifinals sakaling pumabor sa kanilang panig ang quotient system.
Para magawa ito, kakailanganin muling magpakitang-gilas sina Bernadeth Pons, Toni Rose Basas, Remy Palma at si setter Angel Cayuna upang maulit ng Lady Tamaraws ang kanilang 25-20, 25-13, 22-25, 25-20 panalo sa Lady Bulldogs noong first round.
Nakaatang pa rin kina Jaja Santiago, Jorelle Singh, Aiko Urdas at playmaker Jasmine Nabor ang responsibilidad na pamunuan ang 11-woman line-up ng Lady Bulldogs.
Sa isa pang laro, hanap ng kasalukuyang kampeon na La Salle ang kanilang pang-anim na sunod na panalo para makahiwalay sa karibal na Ateneo na katabla nila sa 10-2 rekord.
Nakataya rin ang tsansa ng La Salle (4-8) sa playoffs sa men’s division sa kanilang mu-ling pakikipagtuos sa back-to-back defending champions na Ateneo (12-0) sa dakong alas-10:00 ng umaga kasunod ng tapatan ng UP (5-7) at FEU (6-6) na kapwa nangangailangan din ng panalo. (FML)
- Latest