Trapik na, aksidente sa kalsada tumataas pa!
Bukod sa problema sa trapik sa Metro Manila, proble-ma rin ang mataas na bilang ng mga aksidente sa lansangan.
Biruin mong ma-trapik na, madalas pa ang trahedya.
Kamakailan, tahasang sinabi ni Sen. Tito Sotto na halos kalahati sa mga drivers sa Pinas kung hindi reckless ay ‘‘tanga’’.
Isa umano ito kaya lumalala ang trapik sa bansa , partikular na nga sa Metro Manila.
Isang dahilan na rin naman dito, ang napakadaling pagkuha ng lisensya, na hindi na nga dumadaan sa mahigpit na eksaminasyon ang isang kukuha ng lisensya kumpara sa ibang bansa na talagang nagbabagsak. Dadaan ka sa butas ng karayom bago ka makakuha ng driving license.
Sa Pinas, mag-apply ka lang, magbayad ng kaukulang fee, maghintay sandali, ayun may lisensya ka na.
Isa pang nakikitang problema sa lansangan ang mga walang patumangang pagmamaneho, walang pakialam sa mga motoristang kasabayan nila sa daan.
Marami rin talagang pasaway, walang pakialam sa batas.
Marami nang nalikhang batas ukol sa trapiko na hindi naman mahigpit na naipapatupad.
Nandyan ang walang patumanggang pagte-text habang nagmamaneho, nakasuot ang head set o kaya ay earphone habang nagmamaneho na hindi nila namamalayan nakaka-distract ito sa kanilang pagda-drive.
Ito ang madalas sanhi ng aksidente sa lansangan.
Sa aksidente sa mga motorsiklo, kahit may batas na sa pagsusuot ng helmet, marami pa rin ang makikitang hindi tumutugon dito.
Sinasabing bawal ang mag-angkas ng marami sa motor, naku marami pa rin ang sumasaway dito.
Minsan halos isang pamilya na yata ang sakay sa motorsiklo.
Sa huli, masasabing ang kawalan ng disiplina at hindi pagsunod sa mga batas ang nagpapadagdag sa paglala ng sitwasyon sa mga lansangan kaya nga dapat may ngipin sa pagpapatupad nito.
- Latest