53 MM cops, tumulak na pa-Basilan
MANILA, Philippines - Tuluyan nang tumulak kahapon pa-Basilan ang may 53 tauhan ng pulisya na sinasabing isasabak sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Kasabay naman nito, pumalag naman ang mahigit sa 200 rouge cops ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa kanilang deployment kung kaya hindi sila sumipot sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Ayon kay PNP Spokesman P/Sr. Supt. Dionardo Carlos, ang 53 rouge cops ay inilipad ng C130 plane ng Philippine Air Force (PAF) dakong alas-6:30 ng umaga kahapon patungong Zamboanga City na dumating dito ganap na alas-9 ng umaga. Samantalang mula Zamboanga City ay isinakay naman ang mga ito sa Multi-Purpose Assault Craft (MPAC) ng Philippine Navy patungong Basilan.
Sinabi ni Carlos na ang mga hindi sumipot ay sasampahan ng karagdagang kasong administratibo.
“We will file additional charges against them – insubordination and defiance to a lawful order from PNP Chief and Absence Without Official Leave (AWOL). It only shows what kind of, estado ng mga ito, hindi ang leadership ang may problema. Kaya nga natin tinitingnan kung sino ang mga ito, kailangan natin alisin sa serbisyo, naglilinis tayo ng hanay, ng organisasyon. Yung mga ugali na nakikita natin, that only shows, that they are digging their own grave or exit from the service”, ayon kay Carlos. Binigyang diin pa nito na bahagi ng pagiging miyembro at opisyal ng PNP ang malipat ng destino at bilang mga alagad ng batas ay dapat handa ang sinuman na tumugon sa hamon.
Samantalang una na ring sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año na idedeploy sa mga checkpoint at tutulong sa pangangasiwa ng seguridad sa mga kabayanan at urban centers sa Basilan ang mga pasaway na pulis.
- Latest