Isa na lang sa Lady Chiefs
MANILA, Philippines - Naitarak ng Arellano University ang pahirapang 18-25, 25-16, 25-11, 26-28, 15-13 panalo laban sa San Sebastian College upang makalapit sa inaasam na kampeonato kahapon sa NCAA Season 92 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Naglatag ng 81 excellent sets si Rhea Ramirez na siyang naging daan upang tumapos ng double figures ang apat na attackers ng Lady Chiefs sa pangunguna nina Rialen Sante na may 15 puntos at Jovielyn Prado na nagdagdag ng 13 puntos.
Humataw naman ng pinagsamang 21 puntos sina middle blockers Andrea Marzan at Mary Ann Esguerra para makatulong sa opensa ng Arellano na nakuha ang 2-0 bentahe laban sa San Sebastian na may taglay na thrice-to-beat card.
Nauna nang naitala ng Arellano ang 25-18, 25-20, 25-16 panalo sa Game 1.
Lalaruin ang Game 3 sa Martes sa parehong venue kung saan pakay ng L ady Chiefs na makuha ang kanilang ikalawang korona sa liga.
Nagkampeon ang Lady Chiefs noong Season 90.
Nahablot naman ni Soltones ang ikatlong sunod na MVP award kasama pa ang First Best Outside Spiker trophy habang nakuha ni Francesca Racraquin ng San Beda College ang Rookie of the Year plum.
Ang iba pang awardees ay sina Lourdes Clemente (First Best Middle Blocker) at Coleen Bravo (Second Best Middle Blocker) ng University of Perpetual Help System Dalta; Vira Guillema (Best Setter) at Alyssa Eroa (Best Libero) ng San Sebastian; Jovielyn Prado ng Arellano (Second Best Outside Spiker) at Karen Joy Montojo ng Jose Rizal University (Best Opposite Spiker).
Mabilis na nakabangon ang Perpetual Help upang pigilan ang Lyceum of the Philippines University, 25-16, 23-25, 19-25, 25-18, 15-10 sa Game 2 ng juniors finals.
Isang panalo na lamang ang kakailanganin ng Junior Altas upang makuha ang ikatlong sunod na kampeonato.
Bumira si Ivan Encila ng 20 hits habang umani si Paul Solamin ng 19 gayundin sina Marvien Castillo at Ryuji Condrad Etorma ng 17 at 12, ayon sa pagkakasunod para sa Perpetual Help.
- Latest