EDITORYAL - Mga minahan na pumapatay sa kalikasan
KAPURI-PURI ang ginawa ni DENR secretary Gina Lopez na pagpapasara sa 23 minahan noong nakaraang linggo. Sa lahat nang mga namuno sa DENR siya lamang ang nakapagpatigil sa mga iresponsableng minahan. Mabigat ang dahilan kung bakit niya ito ginawa. Ayon sa DENR secretary, sinisira ng mga minahan ang mga kabundukan at watershed areas. Pinapatay ng mga ito ang mga ilog at tinatabunan ng mga latak ang mga kabukiran. Dahil sa kairesponsablehan ng mga minahan, naaapektuhan ang pinagkukunan ng ikabubuhay ng mga magsasaka at mangingisda.
Suportado ni Pres. Rodrigo Duterte ang ginawa ni Lopez na pagpapasara sa mga minahan. Ikinatuwa rin ito mga mambabatas at ng mga sector na nagmamalasakit sa kalikasan. Ang mga minahan na ipinasara ay nasa Surigao del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Homonhon Island, Benguet, Bulacan at Zambales.
Nang hirangin ni Duterte si Lopez noong Hulyo 2016, ipinahayag niya, “I don’t like mining, the foreigners and the rich are the only ones benefitting from it but the farmers and the fishermen suffer.”
Maraming iresponsableng minahan na sumisira sa kapaligiran. Hinuhukay at binubutas ang mga bundok nang walang pakundangan. Wala silang pakialam kung mawasak man ang mga bundok. Gaya nang ginawa sa kabundukan ng Compostela Valley at ilang bahagi ng Davao Oriental. Nakunan ng picture ang mga kabundukan doon at butas-butas na ang tuktok ng mga ito. Nang manalasa ang bagyong Pablo noong 2012, napuno ng tubig ang mga butas sa bundok at iyon ang naging dahilan para magkaroon ng landslides. Tinangay ng putik ang mga bahay kasama ang mga troso. Mahigit 300 katao ang namatay.
Ganito rin ang nangyari sa St. Bernard, Southern Leyte noong Peb. 17, 2006, kung saan naguho ang bundok at tinabunan ang isang barangay.
Natatandaan n’yo ba ang Marcopper Mining Company? Ang minahan na ito ang sumira sa kalikasan sa Marinduque noong Marso 24, 1996. Nalason at namatay ang Boac River dahil sa tailings ng Marcopper.
Nararapat suportahan ang ginagawa ni Secretary Lopez na pagpapatigil sa mga iresponsableng minahan. Kung marami siyang kakampi, maililigtas natin ang kapaligiran at mapapangalagaan ang kalikasan.
- Latest