4 minasaker ng lolo sa laklakan
Tuguegarao City, Cagayan, Philippines - Magkakasunod na bumulagta ang apat na nag-iinuman ng alak makaraang ratratin ng 63-anyos na lolong nag-amok sa bahay ng kagawad sa Barangay Basug, bayan ng Santa, Ilocos Sur noong Martes ng gabi. ?
Kinilala ni P/Chief Insp. William Nerona, tagapagsalita ng Ilocos Sur PNP ang mga napatay na sina Reykhel Ballesca, 25; Fazel Custodia, 24; Gerardo Belen, 48; at si Romulo Bruzon, 21, ng Barangay Quezon District.
Habang si Prince Marion Garcia, 26, ay naitakbo sa Gabriela Silang General Hospital sa Vigan City kung saan siya nakikipagbuno kay kamatayan. ?
Ayon sa police report, nag-ala-Rambo ang suspek na si Antonio Espiritu na sumugod sa bahay ni Kagawad Isidro de Peralta kung saan nagsisisigaw habang niraratrat ang mga biktimang bisita na nag-iinuman.?
Ayon kay P/Senior Insp. Ernesto de Bien, hepe ng Santa PNP, dating miyembro ng Philippine Constabulary noong panahon ng martial law ang suspek na pinaniniwalaang na-war shock sa Mindanao.?
Gayunman, sumuko si Espiritu bitbit ang baril nitong ginamit sa pagpatay matapos mag-iwan ng 21 basyo ng bala sa cal.30 carbine rifle sa crime scene.?
Pinaniniwalaang si de Paralta ang target ng matanda subalit ni hindi ito nagalusan.?
Ayon sa hepe, sinisilip nila ang anggulong galit ng matanda sa Kagawad dahil sa hindi nito pagbayad ng inutang na pera. Dagdag ulat ni Victor Martin
- Latest