OFW patay sa gulpi ng amo sa Kuwait
MANILA, Philippines – Isa na namang overseas Filipino worker ang namatay matapos ang matinding panggugulpi ng kanyang employer sa Kuwait, ayon sa Embahada ng Pilipinas kahapon.
Kinilala ng Embahada ang Pinay domestic helper na nasawi na si Amy Capulong Santiago, 33-anyos, tubong Tarlac.
Si Santiago ay idineklarang dead-on-arrival sa isang ospital sa Kuwait dahil sa matinding mga sugat at pasa sa buong katawan sanhi ng pambubugbog ng among lalaki dakong alas-10:15 ng gabi noong Enero 25, ang araw din na binitay ang OFW na si Jakatia Pawa sa nasabing bansa.
Sa ulat, agad na inaresto ng mga awtoridad ang among lalaki ni Santiago habang sumuko ang amo nitong babae matapos ang insidente.
Ipinaalam na ng Embahada sa pamilya ni Santiago ang sinapit ng huli at nagpahatid na rin sila ng pakikiramay kasabay ng pangako na tututukan nila ang kaso ng nasawing Pinay.
Si Santiago ay nagtungo sa Kuwait bilang household service worker noong Agosto 2015.
Dahil dito, muling tumaas ang panawagan na ipatupad na ang moratorium o pansamantalang deployment ban sa mga OFWs sa Kuwait.
Inirekomenda na ni Phl Ambassador to Kuwait Renato Pedro Villa sa Department of Foreign Affairs ang pansamantalang suspensyon sa pagpapadala ng mga household service workers sa Kuwait.
- Latest