Panaga inilusot ang St. Benilde sa San Beda sa Stepladder semis
MANILA, Philippines – Pinaamo ng nagdedepensang College of Saint Benilde ang San Beda College, 25-22, 25-20-25-15, para umusad sa second phase ng stepladder semifinals kahapon sa NCAA Season 92 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Umariba ng husto si Season 91 Finals MVP Jeanette Panaga na humataw ng 11 puntos upang pamunuan ang opensa ng Lady Blazers.
“Hindi namin iniisip ‘yung pressure. Gusto lang naming maglaro dahil gusto naming makabawi at manalo. Pero hindi pa ganoon ka-perfect ‘yung laro namin. Marami pa kaming kulang na dapat i-improve like floor defense and reception,” wika ni Panaga.
Makakasagupa ng St. Benilde ang second seed na Arellano University, may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage, sa Biyernes sa parehong venue.
Nakaabang na sa Finals ang San Sebastian Lady Stags na awtomatikong umabante matapos walisin ang eliminasyon para makuha ang ‘thrice-to-beat’ advantage.
Sa men’s division, naplantsa ng University of Perpetual Help System Dalta at St. Benilde ang pagtutuos sa Finals matapos payukuin ang kani-kanilang karibal sa Final Four.
Bumangon ang Altas sa dalawang sets na pagkakalugmok upang itakas ang 18-25, 18-25, 25-20, 25-17, 15-11 panalo laban sa San Beda.
Sumandal ang Perpetual Help kay Rey Taneo Jr. na nagpasabog ng 29 puntos mula sa 26 attacks, 2 aces at 1 block, habang umariba rin sina Manuel Doliente na may 12 puntos at Esmail Kasim na naglista ng 10.
Nakagawa nama ng 55 excellent sets si Relan Taneo, samantalang may 24 receptions at 17 digs si Allan Jay Salaan.
Sa kabilang banda, mas madaling daan ang tinahak ng Blazers nang pataubin Chiefs sa pamamagitan ng 27-25, 25-20, 25-14 desisyon.
Nagsanib-puwersa sina skipper Johnvic De Guzman at Isaah Arda na parehong naglatag ng 15 puntos para sa Blazers na umiskor ng 11 blocks tampok ang apat mula kay Mark Orian at tatlo galing kat Mark Anthony Deximo.
Sa juniors division, buhay pa ang nagdedepensang Perpetual Help nang pasukuin ang may dalang ‘twice-to-beat’ na Emilio Aguinaldo College, 23-25, 25-19, 25-23, 25-19, upang maipuwersa ang ‘do-or-die’ sa kanilang stepladder semis.
Nanguna si Ivan Encila na kumana ng 18 puntos katuwang sina Marvien Castillo, Paul Solamin at Ryuji Condrad Etorma na may pinagsama-samang 39 puntos.
Nakatakda ang rubber match ng Perpetual Help at EAC sa Biyernes kung saan ang magwawagi ang haharap sa Lyceum Junior Pirates sa Finals.
- Latest